Bukod sa mga pagkain, damit, gamot at iba pang essential, nagbaon na rin si Carmina Villaroeal ng portable washing machine at clothes dryer dahil isang buwan siyang walang uwian sa lock-in taping.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing sa isang hotel nakatuloy si Carmina kasama ang iba pang cast at crew ng upcoming series na "Babawiin Ko ang Lahat."
Bilang pag-iingat sa COVID-19, isinasagawa ang lock-in taping sa produksiyon ng serye, maliban pa sa isinasagawang swab test.
Dahil bawal na silang lumabas kapag nasa lugar na ng pagdadausan ng taping, dapat dala na nila ang kanilang mga kailangan sa loob ng isang buwan.
Kaya naman si Carmina, bukod sa mga pagkain, gamot at bitamina, mga damit at iba pang kailangan na gamit na panlaban sa COVID-19, nagdala pa siya ng kaniyang maliit na labahan at magpapatuyo ng kaniyang nilabhan.
Pumasa naman kaya sa aktres ang nabili niyang portable washing machine at clothes dryer nang kaniyang subukan? Panoorin ang report. --FRJ, GMA News