Kabilang ang Kapuso actress na si Glaiza de Castro sa mga celebrity na nagkaloob ng tulong sa mga nabiktima ng bagyong "Ulysses."
Sa ulat ng GMA News “Unang Balita,” sinabing nag-donate at tumulong sa pag-repack ng relief goods si Glaiza na ibinigay sa mga residente ng Baler, Aurora na naapektuhan ng bagyo.
"Ang bittersweet ng biyahe pabalik ng Baler. Masaya dahil andito na ulit pero nakakalungkot din makita na apektado ang ilan dahil sa bagyo. Pero unti unti, aahon tayo," sabi ni Glaiza sa caption ng isa niyang post sa social media.
Nanawagan din ang aktres ng karagdagan pang donasyon matapos niyang i-sharie ang pahayag ng League of Filipino Actors' (AKTOR) kaugnay sa isinagawang relief efforts.
“Habang tuloy tuloy ang pagtulong natin sa mga nasalanta ng sunod sunod na mga bagyo huwag tayong tumigil dahil ang mga kababayan naman natin sa Cagayan Valley ang kailangan ng tulong natin. Ngayon,” ani Glaiza.
“Walang maliit na tulong, lahat mahalaga. Walang pangangailangan na mas higit sa iba. Matutulungan lang natin ang lahat Kung tutulong tayong lahat,” dagdag pa ng aktres.
Kabilang din sina AKTOR members Dingdong Dantes at Jasmine Curtis-Smith, sa mga celebrity na tumulong din sa relief afforts sa mga naging biktima ng kalamidad.— FRJ, GMA News