Maituturing ni Rabiya Mateo na "biggest sacrifice" ang pagre-resign niya sa trabaho para makamit niya ang pangarap na maging Miss Universe Philippines 2020. Tumatag naman ang kaniyang loob nang malamang handa ring magsakripisyo ang kaniyang ina para masuportahan siya.
"The first thing that I sacrificed, and I consider to be my biggest sacrifice was I need to leave my job. And I am the breadwinner of the family," kuwento ni Rabiya sa "Mars Pa More."
"During the lockdown I had a lot of doubts continuing this journey kasi kailangan din ako ng family ko," pag-aamin pa ng beauty queen.
Wala naman daw pagsisisi si Rabiya sa kaniyang naging desisyon, at kung siya ang tatanungin, uulitin ulit niya ang pagsakripisyo ng trabaho para sa pangarap.
"But ang dami talagang blessing ni Lord eh, ang dami Niyang pinadalang tamang tao para tulungan ako. Sabi ko nga kahit nahihirapan, masasabi ko talaga na kung uulitin, uulitin ko pa rin eh. Kung kaya ko ulit isakripisyo 'yung trabaho ko isasakripisyo ko ulit. Kasi iba 'yung power and influence na binibigay once you have the title and dapat gamitin ko talaga 'yun to help the community. 'Yun talaga 'yung pinromise ko sa Iloilo City."
Naging malaking bagay din kay Rabiya ang kaniyang ina, na handang sumuporta sa kaniya sa kabila ng hirap.
"'Yung sinabi sa akin ng mama ko, 'Anak this is your dream. Kung kailangan nating maghirap for a period of time that's okay, sasamahan kita sa pangarap mo. Kasi as nanay mo, gusto kong mag-grow ka and ma-achieve lahat ng mga kailangan mong ma-achieve sa buhay. So doon ko na-realize na this woman who I call my mom, believe in my dreams so much, and who am I to quit?" sabi ni Rabiya.
Matatandaang nabalot sa kontrobersiya ang pagkapanalo ni Rabiya nang mag-post ng cryptic Instagram stories si Sandra Lemonon ng Taguig tungkol sa pageant.
Nag-post din si Michele Gumabao ng Quezon City ng statement na umalis siya sa venue nang maaga "while the pageant was going on."
"Lord ayoko na po sumali ng isa pang beauty pageant kasi hindi na po kakayanin ng finances namin. So Lord kung ibibigay Mo na po 'yung crown sana po this year na. And binigay Niya sa akin. Doon na lang ako kumakapit sa promise na 'yun," sabi ni Rabiya. – Jamil Santos/RC, GMA News