Nag-abot ng tulong si Ruru Madrid at ang kaniyang pamilya sa mga kakilala at kapitbahay nila sa Marikina na labis na naapektuhan ng pananalasa ng mga nagdaang bagyo.
"Hindi naman po kami naapektuhan pero 'yung gawaan namin na dati po naming bahay doon sa Malanday, Marikina, 'yun po ang pinakanapinsala po talaga. As in umabot po ng magti-third floor na ang baha po doon. Siyempre po, sobrang nakaka-trauma at nakakalungkot pa rin po 'yung pangyayari," kuwento ni Ruru sa Kapuso Showbiz News.
"Dahil siguro po doon ako lumaki, dahil siguro, kumbaga pagkabata nandoon na ako sa lugar na iyon, du'n po talaga ako tumanda, masasabi ko," dagdag ng Kapuso actor.
Dahil dito, nagdesisyon ang kaniyang ama na tumulong matapos itong makatanggap ng mensahe mula sa mga kaibigan sa Marikina.
May YouTube channel ang ama ni Ruru na "FATBOYS" kung saan itinatampok ang pagluluto.
"So parang sinabi niya sa akin na 'Tara tulungan natin.' So pinuntahan po namin, kasama ko po 'yung dad ko, mga tito ko," ani Ruru.
Hindi raw naiwasan ng kaniyang tatay na maging emosyonal nang makita ang mga naapektuhan sa Marikina.
"Nakita ko lang 'yung video ng dad ko, umiiyak siya kasi, siyempre ang tagal po naming nakatira doon at 'yung mga tao po na naapektuhan ay mga kaibigan po namin."
"Nagbigay po sila ng kaunting tulong, mga makakain at 'yung iba nga po sobrang pasasalamat nila. Kasi siyempre kami po nahihiya rin po kami na ganu'n lang po ang nabigay po namin. 'Yung iba sinasabi na kahit nga daw po bottled water lang malaking bagay na po sa kanila," ayon pa kay Ruru.
"So ako po nag-decide po ako mismo na tulungan po sila kahit na sa simpleng pamamaraan lang, nagtulong-tulong po kami ng pamilya ko, ng mga tito, tita ko, mga kapatid ko, dad ko, mom ko. Nagluto sila ng packed lunch and then dinala po namin doon, namimigay po kami ng food."
Paglalahad ni Ruru, maging siya ay naranasang masalanta kaya alam niya rin ang kanilang nararamdaman.
"Nakita ko po 'yung, alam niyo po 'yung kahit nakangiti sila makikita niyo pa rin po 'yung lungkot sa mga mata nila eh. Kasi ako, to be honest na-experience ko 'yun. So alam ko po kung gaano kahirap 'yung pangyayaring 'yun."
Isinailalim ang Marikina sa state of calamity noong nakaraang linggo dahil sa Bagyong Ulysses. —LBG, GMA News