Kamakailan lang ay ipinagdiwang nina si Kapuso actress Glaiza de Castro at kaniyang Irish boyfriend na si David Rainey ang second anniversary nila na magkalayo dahil sa kanilang long distance relationship, na pinalala pa ng COVID-19 pandemic.
Sa pilot episode ng GMA Public Affairs show na “Share ko Lang,” ibinahagi ni Glaiza sa psychologist at host ng programa na si Dr. Anna Tuazon, kung papaano nila sinasabayan ni David ang LDR upang mapanatiling buhay ang kanilang pagmamahalan.
Kuwento ni Glaiza, malaking bagay ang internet para maitawid nila ni David ang LDR. Gaya nang nakaraang nilang anniversary, nagawa pa rin siyang sorpresahin ng nobyo at mga kaibigan nito.
Bagaman masaya, nakaramdaman pa rin ng lungkot ang aktres dahil hindi niya personal na kasama ang kasintahan sa masayang okasyon.
At hindi raw tulad noon na wala pang pandemic na madaling makapag-schedule ng biyahe para personal silang magkita ngayon ay mas mahirap.
Gayunman, itinuturing daw ni Glaiza na test of faith at pati na ang pagiging mapagtiis ang mga pangyayari para sa kanilang relasyon.
“Nandito kami sa phase na ito na tina-try namin as much as we can to focus on ourselves,” anang aktres.
“We’re building our future separately for now, so kapag dumating ’yung tamang time, buong-buo na talaga kami,” dagdag niya.
Panoorin ang buong panayam at pagbabahagi ni Glaiza tungkol sa mga bagong natuklasan niya sa sarili sa tulong na rin ng kaniyang nobyo.--FRJ, GMA News