Sa unang pagkakataon, isang half-Pinay transgender ang magiging pambato ng New Zealand sa Miss Intercontinental Pageant.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang kandidata na si Arielle Keil, 26-anyos, isang creative advertising student.

Ang tagumpay daw ni Keil, bunga raw ng kaniyang mga sakripisyo mula sa pagkabata.

Umabot daw siya sa punto na itinakwil siya ng kaniyang ama, at naranasan niyang ipagdiwang ang Pasko na mag-isa lang.

Sinabi raw niya sa kaniyang sarili na mas nanaisin niyang maging malungkot bilang si Arielle kaysa tanggapin bilang si Andrew [na dati niyang pangalan].

Tubong Davao ang ama ni Keil at Fil-German naman ang kaniyang ina.

Hindi raw naging madali ang pagtanggap sa kaniya ng mga magulang mula pagkabata hanggang sa kaniyang transition.

Pero sa huli, nangibabaw raw ang pagmamahal sa kaniya at pagtanggap ng kaniyang mga magulang.

Katunayan, nagpakita pa raw ng suporta ang kaniyang ama sa pagsali niya sa pageant.

Sa kaniyang paglaban sa international pageant, inspirasyon ni Keil si Miss Universe 2018 Catriona Gray.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Keil na hindi siya tumigil sa pag-abot sa kaniyang pangarap sa kabila ng mga panlalait at diskriminasyon sa kaniya.

“My whole life, all I heard was ‘bakla,’ ‘bayot’ — all of that, but not once did I change. I would come home crying because kids would bully me and not once did I think, ‘I’m gonna try to be more masculine,’” saad niya .

“I stayed true to myself and look where it got me,” dagdag pa ni Kiel.

Hinikayat naman niya ang mga magulang na tanggapin anuman ang kanilang mga anak.

“My message to the parents would be to look at why you have those views around transgender people, around gay people, whatever, and then ask yourself, ‘are those views more important than the child I raised?’,” pahayag niya.

Sa mga katulad niyang transgender, sinabi ni Kiel na patuloy nilang abutin din ang kanilang pangarap anuman ang sabihin ng iba.

“Keep pushing. Keep fighting. There’s going to be so many people that are going to tell us that we don’t belong here. Beauty queen isn’t determined by how you were born, you know what body you were born into. It’s not about here, it’s about what’s in here,” sabi ni Kiel. --FRJ, GMA News