Labis na nag-aalala ang "Starstruck" Season 7 First Prince na si Allen Ansay dahil hindi pa niya nakakausap ang kaniyang pamilya at mga kaanak sa Sagnay, Camarines Sur, na hinagupit din ng bagyong "Rolly."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Allen na nasa CamSur ang kaniyang ina at dalawang kapatid.

Sabado pa raw nang huli niyang makausap sa telepono ang kaniyang ina.

"Grabe po talaga yung lakas ng bagyo kasi last po na tawag po sa amin ni mama nung Sabado, bago po pumasok yung bagyong rolly po, nag-signal no. 4 sa amin," anang aktor.

"Tapos ang huling tawag po sa amin ni mama, sobrang lakas na raw po ng hangin. Tapos biglang napuputol na yung signal hanggang sa hindi na po namin makontak si mama," kuwento pa niya.

Bukod sa kaniyang ina at mga kapatid, nag-aalala rin ang aktor para sa iba pa niyang kaanak na hindi pa rin niya nakakausap.

"Nakakaba po kasi lahat ng pamilya ko nandoon. Nandoon po yung mga lola ko, mga pinsan ko," sabi pa ni Allen.

Samantala, nasa Maynila naman si Glaiza de Castro nang manalasa ang bagyo at naiwan sa Baler, Aurora ang kaniyang ama at ina.

Nang malaman ni Glaiza at mga kapatid na isang malakas na bagyo si Rolly, hindi rin nila maiwasan na mag-alala para sa kanilang mga magulang na wala raw kasama sa bahay.

Pero nang nakakausap naman sa telepono, panatag naman daw ang kaniyang mga magulang at inaalalayan daw ng kanilang mga kapitbahay.

Napawi na rin nang tuluyan ang pag-aalala ni Glaiza nang makadaan na ang bagyo at makausap na ng aktres ang kaniyang mga magulang na nasa maayos na kalagayan.--FRJ, GMA News