Si Julie Anne San Jose ang napili ng Netflix Philippines para sa local cover ng "Rocket to the Moon," ang theme song ng bagong animated movie nitong "Over the Moon."
Ito ang inanunsyo ng streaming app nitong Huwebes, kung saan mapapanood sa video ang pagkanta ni Julie.
Sa panayam sa kaniya ng GMA News Online, sinabi ni Julie na natanggap niya ang proyekto nitong Setyembre.
"I have a friend who messaged me randomly, kinuha yung contact details ko. I gave my manager's contact details and then after a few weeks, tinawagan ako ng management and told me Netflix reached out and invited me to be part of this project. Nagulat ako!" kuwento ni Julie.
Sinabi pa ng Asia's Pop Diva na matagal na siyang fan ng video streaming site para manood ng mga pelikula at series.
"I'm so honored they chose me to do a cover song of 'Rocket to the Moon.' Ang ganda talaga ng song. It's very catchy," sabi ni Julie.
"I find it really interesting and very dreamy and inspiring," dagdag pa niya.
Sa direksyon ng Oscar-winning animation legend na si Glen Keane, ang "Over the Moon" ay tungkol sa batang babae na si Fei Fei na gumawa ng isang rocket sa buwan para patunayan ang pagiging totoo ng isang legendary na Moon Goddess na si Chang’e.
Umiikot ang kuwento tungkol sa pamilya, pagmamahal at pagkawala.
"I admire how the song portrayed the character build-up of Fei Fei. The first part of the lyrics was full of self-doubt, then as the song goes on, you can now feel the determination and confidence of her character,” saad ni Julie sa isang statement. “Doing the song cover of ‘Rocket to the Moon’ brought me back to the days where I was just a kid who had big dreams,” sabi pa niya.
"Sana nabigyan ko ng justice yung song. Sana magustuhan ng mga tao," sabi pa ni Julie.
Matapos ilabas ang kaniyang cover, pinuri naman si Julie ni Cathy Ang, ang singer ng orihinal na cover ng kanta.
"Ahhhh amazing," komento ni Cathy sa Instagram ni Julie.
Nagkuwento rin si Julie sa pag-shoot ng cover sa sarili niyang home studio.
"Kailangan ko mag-imagine ng characters so may konting animation. For me iyon yung pinaka-exciting. Medyo challenging din siya kasi I was interacting with imaginary characters. I have to look at certain spots, paano ang movements, lagpas na ba ako sa frame? Green screen lang kasi eh."
"They were instructing me, kung ano ang kailangan ko gawin, how to interact with the imaginary characters, kahit wala sila sa set. And when I watched the preview, wow! Ganun pala yun," kuwento naman ni Julie tungkol sa pagiging accomodating ng Netflix crew.--FRJ, GMA News