Ikinuwento nina Cherie Gil at Jon Lucas ang nakakatakot nilang karanasan nang magka-storm surge sa Laiya, Batangas, dulot ng bagyong Quinta, dahilan para maudlot ang production nila at ilikas sila sa lugar.

Sa Star Bites report ni Nelson Canlas sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, makikita sa IG stories ni Cherie ang kaniyang kaba sa pangyayari.

Bumalik ang takot ni Cherie dahil sa sunod-sunod na mga alon.

Matatandaang nakaranas na rin siya ng mapaminsalang tsunami sa Phuket, Thailand noong Disyembre 31, 2004, kung saan maraming tao ang nasawi.

"This is somehow a deja vu or a reminiscent of my experience in Thailand when I was there for the tsunami... I don't know why I'm being followed by such energy," sabi ng beteranang aktres.

Kasama rin nina Cherie at Jon si Rochelle Pangilinan nang mangyari ang insidente.

Mapapanood sa video na ipinadala ni Jon ang baha, pagtaob ng mga mesa at pagkasira ng mga puno.

Inilahad ni Jon na huli na raw nang makatanggap sila ng warning sa kanilang mga cellphone, at inabot rin ng tubig ang kanilang tinutuluyan.

Hindi na natuloy pa ang taping ng Tadhana.

"Kung alam niyo lang po 'yung kinakainan namin do'n kung saan kami nagka-company call, kung saan kami nagpe-pre prod, sobrang na-wash out. As in sira 'yung upuan, sira 'yung mga la mesa. 'Yung tent po na pinag-i-stay-an namin para sa pagkain nga namin talagang nasira po, bumagsak," ani Jon.

Ayon sa aktor, isa ito sa mga pagkakataon sa buhay niya na nakaramdam siya ng tunay na kaba.

"Pagkita nga po namin mismo na paparating na po 'yung mataas na alon papunta po doon sa mismong venue or resort na pinag-i-stay-an namin... Natakot po ako nu'ng nakita ko 'yun dahil sa YouTube ko lang napapanood 'yung mga ganu'ng pangyayari tapos biglang nakita ko na mismo," saad niya.

"Kaya medyo nataranta rin ako. Hindi na ako nakapag-video kasi noong una vini-video ko pa 'yung mga nangyayari eh, pero nu'ng nakita ko na nga 'yun, wala na. Talagang kinuha ko na 'yung maleta ko tapos tumakbo na ako doon sa medyo mataas na parte ng resort," sabi pa ni Jon.

Mabilis aniya ang mga pangyayari at alisto naman ang mga kasamahan ni Jon kaya nakalikas sila at nakabalik na ng Maynila noong Linggo ng gabi sa kabutihang palad.--Jamil Santos/FRJ, GMA News