Dahil sa pananatili lang sa bahay, marami umanong nadiskubre at natutunan sa buhay si Barbie Forteza mula nang ipatupad ang community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa panayam GMA Regional TV Early Edition, ibinahagi ni Barbie na gumawa siya ng mga routine na gawain sa bahay upang maging abala at kahit papaano ay maging produktibo kahit nasa bahay lang.
Ipinaalala rin ng aktres ang kahalagahan na pangalagaan ang sarili sa panahong ito.
"Ako kasi during quarantine parang na-discover ko sa sarili ko marami pa pala akong gustong gawin," saad niya. "And hindi hadlang ang pag-stay lang sa bahay para hindi ko magawa 'yon."
Idinagdag pa ni Barbie na ipinaalala rin ng quarantine "na sobrang precious ng buhay."
Ikinatutuwa ng aktres na dahil sa quarantine ay nagkaroon siya ng oras na makasama ang kaniyang pamilya.
"Sobrang dami naming napag-uusapan. Sabay-sabay na kaming kumakain ngayon," ayon pa kay Barbie.
Inihayag din ng Kapuso star kung gaano ka-supportive sa kaniya ang nobyong si Jak Roberto sa kaniyang mga gustong gawin tulad sa pagba-vlog.
Abangan si Barbie sa muling pagbabalik ng Kapuso primetime series na "Anak ni Waray vs Anak ni Biday," kasama si Kate Valdez. --FRJ, GMA News