Binatikos ng abogado ni Liza Soberano ang umano'y ginagawang "red-tagging" o pagmamarka sa aktres na "pulahan" o maka-komunista sa social media.
"We denounce in the strongest terms the red tagging of our client, Ms. Liza Soberano, in some social media platforms," saad ni Attorney Juanito Lim Jr. sa isang pahayag.
"Expressing her love and respect for women and children is her personal advocacy," dagdag niya.
Nananatili umanong "apolitical" si Liza, ayon pa kay Lim.
Ginawa ni Lim ang pahayag matapos punahin ng ilang netizen ang pagdalo ni Liza sa webinar na inorganisa ng Gabriela Youth kung saan hinikayat ng aktres na ipahayag ang kanilang saloobin sa iba't ibang isyu.
Ayon kay Lim, walang politikal na pananaw ninoman ang susuportahan o kokontrahin ng kaniyang kliyente.
"The important point here is respect for others, a virtue she has consciously practised all her life," anang abogado.
"We, thus, call on everyone concerned to be circumspect in associating our client with their respective political beliefs, whatever it may be," patuloy niya.
Nitong Miyerkules ng gabi, naglabas ng pahayag si Southern Luzon Command (Solcom) chief Lieutenant General Antonio Parlade Jr. na nagbibigay ng babala kay Lisa sa pakikipag-ugnayan umano ng aktres sa Gabriela Women's Party, na ayon sa opisyal ay prente lang ng komunistang grupo.
Si Parlade ang nagsisilbing tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Bukod kay Liza, pinaalalahanan din ni Parlade ang iba pang celebrity, gaya ni Miss Universe 2018 Catriona Gray, na dapat umanong alamin ang "hidden violent agenda" ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA), na ayon sa kaniya ay isang underground group na nagtatago sa likod ng Gabriela Women's Party.
Binatikos naman ni Gabriela party-list Representative Arlene Brosas ang mga pahayag ni Parlade at ang umano'y pagmamarka sa mga celebrity na "makakaliwa."—FRJ, GMA News