Pampabawas-pagod, chill at breezy ang hatid ng kantang "Breathe You" na ni-record ni Heart Evangelista mula pa noong 2005, lalo ngayong nakararanas ng stress ang marami dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing ang "Breathe You" ay isa sa mga tatlong hindi pa nare-release na kanta ni Heart mula sa album niya noong 21 taong gulang pa lang siya.
Para kay Heart, ito ang tamang panahon para bigyan ang kaniyang mga kanta ng bagong buhay.
"I produced this album when I was 21. Isinantabi ko na siya in a treasure box for a very long time. When I was fixing my things, I saw it again and it's like 'Oh my God I still love the song, it still very much resonates with me," sabi ni Heart.
"Sabi ko 'You know what, let's release it,'" dagdag ng Kapuso Queen of Creative Collaborations.
Nakatakdang i-release ng GMA Music ang Breathe You na timeless at may temang "love" at "togetherness" ngayong pinaglalayo ang mga tao ng pandemya.
"It's essential these days to have a good playlist about giving just a time, obviously everybody's just at home, you want a song that will lessen your being anxious and something that is very chill and breezy. So I said 'I love the song and maybe it will resonate with other people,'" ani Heart.--Jamil Santos/FRJ, GMA News