Inilahad ni direk Gina Alajar kung bakit niya hinahangaan si Michael V., hindi lang sa pagiging "comedy genius" kundi pati na rin sa pagiging propesyunal na aktor nito.

"I admire him as an actor si Michael V. kasi kahit comedian siya, siya 'yung kapag binigyan mo ng challenging role, he puts his mind and soul to it," sabi ng direktor ng Prima Donnas sa latest vlog ni Aiko Melendez.

Inalala ni Gina nang minsang siya ang nag-direk sa Lenten Special episode ng Eat Bulaga na "Tahanan" kung saan ginampanan ni Michael ang karakter ng isang mentally challenged na lalaki.

"Alam mo dinirek ko siya sa Eat Bulaga, 'yung one Lenten special na he was mentally challenged o incapacitated. Tapos alam mo nagulat ako kasi meron siyang pustisong pinagawa para maiba 'yung itsura niya, para mas mukha siyang merong illness talaga."

"He studies. Alam niya kung ano 'yung gagawin niyang role, ano ang gagawin niyang character," pagpapatuloy ni direk Gina.

"Doon pa lang humanga na ako sa kaniya because, you know, I seldom see actors do that and I seldom see actors lalo na nagpapatawa pa siya, hindi ko alam na ganu'n niya ini-immerse 'yung sarili niya sa isang role, sa isang character na gusto niya."

Ikinalungkot din daw ni direk Gina nang magpositibo si Bitoy sa COVID-19 ilang buwan ang nakakaraan.

Ngunit inihayag niya ang kaniyang kasiyahan nang mapagtagumpayan ng Bubble Gang creative director ang sakit.

"I felt sad to hear when he tested positive for COVID and I was one of those who prayed for him and I'm just glad and I'm so happy that the Lord heard the prayers of so many people para gumaling siya, dahil gumaling naman siya," saad ni direk Gina. —LBG, GMA News