Nilinaw ng direktor ng "Prima Donnas" na si Gina Alajar na hindi pa nila tuluyang inaalis ang karakter ni Sofia Pablo sa serye matapos na hindi na makasama ang teen actress sa balik-taping alinsunod sa guidelines ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“I want to take this opportunity also to clarify things lang kasi maraming [nagtatanong] about Sofia, kung bakit hindi na natin siya kasama,” panimula ni direk Gina sa latest vlog entry ni Aiko Melendez.
“Well, the decision para mawala si Sofia sa show is not ours kasi kung kami ang masusunod, ayaw namin because Sofia is part of the show and we all love her."
“But then, mayroong mga kailangan kaming sundin na rules from DOLE na 14 years old and below cannot work outside from home,” pagpapatuloy ng direktor.
Ayon kay direk Gina, kinonsidera rin nila ang suhestiyon ng ilang viewers kung maaaring marinig pa rin nila sa show ang boses ni Donna Lyn, karakter ni Sofia, kahit sa telephone call man lang.
"Naisip po namin 'yan. Bakit po hindi? Kaya lang it's part of working also."
Sa huli, kailangan pa ring sundin ang patakaran ng pamahalaan ngayong may COVID-19 pandemic.
“Nagkaroon po kami ng malaking, malaking discussion talaga at malaking problema kung paano namin maso-solve but at the end of the day po, kailangan namin sumunod sa DOLE kaya po nawala na si Len-Len (Sofia's character),” saad ng direktor.
Ngunit paglilinaw ni direk Gina: “Pero hindi siya nawala totally. Nawala lang siya physically but she's being talked about.”
“'Yung pangalan niya ay laging nababanggit sa show, hindi po namin siya pinatay. She's just somewhere," saad pa niya.
Matatandaang kinailangan magpaalam ni Sofia sa serye dahil 14-anyos lang siya, at hindi umabot sa edad na 15 na itinatakda ng DOLE para sa mga puwedeng magtatrabaho on-cam o sa studio sa panahong ito ng community quarantine.
“Ba’t naman sasama loob ko na ngayon lang nangyari tapos may valid reason na government din,” saad ni Sofia. “Nalulungkot pero 'di naman tayo puwede na maging malungkot buong 2020, so gamitin na lang natin ’yun para maka-inspire ng tao.” —LBG, GMA News