Sa unang pakinig, tila isang regular na programa lamang na binobosesan ng maraming tao ang isang radio drama sa Pagadian City. Pero sa likod nito, iisang DJ lang pala ang nasa likod ng mga boses at siya na rin mismo ang mag-isang nagpapatakbo ng kaniyang radio program.
Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," inilahad ni Jameson "DJ Nonglading" Mondido, na may programang "Handumanan sa Akong Kagahapon," na bukod sa pagiging aktor, siya rin ang direktor ng kaniyang radio drama.
Kaya raw magpalit ni DJ Nonglading ng 16 na boses, kabilang ang boses ng matandang babae, matandang lalaki, bakla, batang lalaki, at isang babae.
"Mas madali kasi ako 'yung direktor, ako 'yung actor. And then sa kita naman, siyempre ako lang 'yung isa, ako lahat," kuwento ni DJ Nonglading.
Dahil sa talento niya sa pagboboses, dito rin nakilala ni Jameson ang kaniyang minamahal na si Girlie. Pero para mabuhay ang kaniyang pamilya, kailangan niyang lumayo at magtrabaho sa Cagayan de Oro.
Minsan ding dumanas ng pagsubok si DJ Nonglading noong nagsimula siya, nang dalawa lang ang mag-text sa kaniyang programa.
Nagpalipat-lipat din siya ng tirahan at estasyon, at kadalasan na one-man team siya sa kaniyang programa dahil sa kakulangan sa budget.
Para mas mapalawak pa ang kaniyang listeners, naisipan ni DJ Nonglading na mag-Facebook live. Doon na napansin ng netizens ang kaniyang angking talento, hanggang sa dumami na ang kaniyang listeners at viewers, maging sa abroad.
Tunghayan ang kuwento ni DJ Nonglading sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News