Inilahad ni Diana Zubiri ang mga naranasan niyang pagsubok matapos isilang ang ikatlo niyang anak na si Baby Amira. Kabilang na rito ang pagkakaroon niya ng postpartum depression habang sumasailalim sila sa quarantine na nakahiwalay sa pamilya.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nabigla ang marami nang manganak si Diana dahil tahimik lang ang aktres sa pagbubuntis niya kay Baby Amira Jade.
"Nahihiya po kasi akong mag-announce noong time na, alam niyo na. Bago kasi nagkaroon ng lockdown, bed rest tapos hindi ako masyadong makausap. Kumbaga wala sa plano ko na makipagsabayan pa sa lockdown na i-announce because I wasn't feeling well talaga," sabi ni Diana.
"Sabi ko, 'Sa ano na lang siguro, kapag nanganak na lang ako,'" pagpapatuloy ng aktres.
Si Baby Amira Jade Smith ang ikalawang anak na babae nina Diana at Andy.
Hindi raw naging madali para kay Diana ang manganak sa panahon ng COVID-19 pandemic.
"Natakot po ako kasi siyempre unang una hindi ko kasama si Andy, tapos siyempre baka makakuha kami ng sakit. Doble doble na lang po 'yung pag-iingat. Parang two days lang kami sa hospital, tinapos lang namin 'yung mga kailangang vaccine ni baby, newborn screening," kuwento niya.
Kinailangang sumailalim nina Diana at Amira sa quarantine pagkauwi sa bahay.
Ayon sa ulat, inatake si Diana ng matinding postpartum depression matapos nito.
"Parang feeling ko hindi ko kaya, feeling ko pasan ko ang daigdig. Kasi siyempre ako lang mag-isa, ako lang 'yung puyat, ako 'yung pagod pero worth it naman siya. Looking back, iniisip ko, mukha pala akong tanga noon. Iiyak iyak pa ako," saad ng aktres.
"Ito si Amira, palaging gising sa madaling araw pero tulog sa buong maghapon. Kamukhang kamukha po siya ni Andy. Mukha siyang boy pero ang kaniyang pangalan ay Amira which means 'princess,'" sabi ni Diana.
Sanay na rin daw sina Diana at Andy na hindi kumukuha ng yaya habang maliit pa ang baby.
Sa ngayon daw, hindi muna tatanggap ng trabaho sa showbiz si Diana habang inaalagaan ang mga anak, at bilang pag-iingat na rin sa COVID-19.--Jamil Santos/FRJ, GMA News