Ibinahagi ni Sinon Loresca ang kaniyang pinagkakaabalahan ngayon sa Myanmar, kabilang ang pag-asikaso ng charity para sa frontliners at iba pang naapektuhan ng COVID-19 pandemic sa Myanmar.
Sa "Mars Pa More," ikinuwento ni Sinon na namamahagi siya ng mga tinapay sa frontliners na nag-aalaga ng COVID-19 patients sa mga ospital.
Bukod dito, namimigay din siya ng ready-made sausages para naman sa mga sumasailalim sa quarantine sa Yangon.
Noong wala pang pandemya, nagsu-shoot ng mga commercial at nagta-travel si Sinon para ipakita ang ganda ng Myanmar.
May ginagawa rin siyang charity work kada linggo, lalo para sa mga street children.
"Nature ko na po talaga siguro ang balikan ko ang nakaraan ko, kasi galing po ako sa Payatas... Sabi ko 'One day siguro 'pag meron akong sapat para sa sarili ko at merong sobra, willing talaga akong tulungan sila' kasi alam ko 'yung sakripisyo, hirap nila, 'yung namamalimos ka sa kalye."
Inalala naman ni Sinon ang natutunan niya noong naranasan niya ring mamalimos sa kalsada.
"Naaalala ko nu'ng namamalimos din ako noong nasa Payatas ako, nananambakan ako ng basura. Grabe, hindi importante sa akin 'yung bigyan ako ng pagkain. Sa totoo lang ang pinakaimportante sa akin na moment, 'yung may isang tao na alam ko na nakakaahon sa buhay, 'yung kausapin mo lang ako kamusta ba ako, ano ba ang buhay meron ako?" saad ng binansagang King of Catwalk.
"Na-feel ko na ang moment na 'yun, ay hala, palaboy lang ako namamalimos ako, pero kinausap niya ako. 'Yun pala ang pinaka-precious kapag homeless ka. 'Yung may isang taong mag-spend sa'yo ng time, importante na 'yon sa akin," dagdag ni Sinon.
Tulad sa Pilipinas, marami ring gym ang nagsara sa Myanmar dahil sa pandemya kaya jogging at ehersisyo muna sa labas ng bahay ang ginagawa ni Sinon.
"Dati po wala kami gaanong cases. Actually tatlo lang dati 'yung namatay. Last month, nag-second wave na po kami. Padami nang padami po 'yung cases namin," sabi ni Sinon na umaabot daw ng 200 hanggang 300 kada araw.
"Hindi ako nakakalabas masyado, napakahigpit po ngayon, marami na rin pong shops ang nagsarado, lalo mga gym, nagsarado lahat," dagdag pa ni Sinon.--FRJ, GMA News