Sa isang video post, inilahad ni Buboy Villar ang dahilan ng paghihiwalay nila ng kaniyang partner na si Angillyn Gorens.  Kasabay nito, nilinaw ng aktor na mahal pa rin niya ang ina ng dalawa nilang anak.

Sa kaniyang Youtube post, kinumpirma ni Buboy na dalawang taon na silang hiwalay ni Angillyn. Pero sinubukan pa raw nilang ayusin ang problema sa kanilang pagsasama sa unang taon ng kanilang paghihiwalay pero nabigo sila.

Giit ng aktor, walang third party na sangkot sa kanilang paghihiwalay.

"Inabot lang po talaga kami mga bok [tawag niya sa kaniyang mga Youtube subscriber]... na nagkataon lang na sa sobrang close namin hindi na kami masaya sa isa't isa," saad niya.

Aminado rin si Buboy na marami siyang pagkukulang kay Angillyn.

"Marami akong pagkukulang sa kaniya na iniisip ko at laking panghihinayang ko na ngayon ko sana nakita 'to, yung problema namin dati sana naging ok pa," patuloy niya.

Pero maayos daw ang kanilang paghihiwalay ay napagkasunduan nilang manatiling magkaibigan at magtulungan para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.

Nakiusap din si Buboy na huwag i-bash si Angillyn dahil nagsakripisyo raw ito na magtungo sa Amerika upang doon magtrabaho para din sa future ng kanilang mga anak, na nasa pangangalaga ng mga magulang ni Angillyn.

Kung bakit ngayon lang nila inilahad ang kanilang paghihiwalay, sinabi ni Buboy na nais niyang protektahan si Angillyn, at ganun din ang iniisip ni Angillyn para sa kaniya.

Iginiit ni Buboy na hindi gimik ang balitang paghihiwalay nila at wala rin umanong kinalaman dito ang pagba-vlog niya sa Youtube.

"Wala po akong pakialam kung sumikat po ako dito sa Youtube o hindi, ang importante po ang nag-e-enjoy po ako sa ginagawa ko," paliwanag niya.

Nilinaw din ni Buboy na maayos ang relasyon niya sa mga magulang ni Angillyn ay nagpapasalamat siya sa mga ito dahil pinapayagan siyang makasama ang kaniyang mga anak anumang oras niya naisin.

Sabi pa ni Buboy, mahal pa rin ni Angillyn pero may pagkakataon umano na kailangan mag-let go sa taong minamahal.

"Minsan kahit anong pagmamahal natin sa isang tao kung hindi talaga kayo para sa isa't isa, hindi talaga kayo para sa isa't isa," pahayag niya.

Pero sinabi rin ni Buboy na, "Pero hindi natin alam ang mangyayari sa buhay natin mga bok baka at the end of the day tayo pa rin dalawa Angillyn." --FRJ, GMA News