Naging inspirasyon ni Ruru Madrid ang K-Pop boy group na BTS lalo ngayong may COVID-19 pandemic para magpursigi pa sa larangan niya ng pag-aartista.
"Siguro when it comes sa mga boyband groups sa Korea, BTS talaga. Siguro masasabi ko solid BTS ako," sabi ni Ruru sa Kapuso Showbiz News.
"Sila 'yung nagbigay-inspirasyon sa akin, lalo ngayong pandemic, sa kabila ng mga kahirapan, ng mga kaguluhang nangyayari, right now sila 'yung nagbibigay-inspirasyon sa akin na huwag mawala 'yung passion ko dito sa craft ko," sabi pa ng Kapuso actor.
Kung mayroon mang hinahangaan si Ruru sa BTS, ito ay ang kanilang bigay-todo na performances, mga magagandang kanta, pati na rin ang kanilang mga adbokasiya.
"Nakakabilib. Papangarapin mo na sana mangyari rin sa akin ito, 'yung ganu'n. They started na parang hindi pa ganiyan kalaki, 'di ba? Nagsimula sila na parang sobrang simple lang, nakatira lang sila sa isang bahay na maliit and then nagte-training sila for like nine to 16 hours a day," ani Ruru.
"Kaya siguro, I mean, deserving talaga sila para makuha nila kung ano man meron sila ngayon," dagdag pa niya.
Natuklasan daw ni Ruru ang tungkol sa BTS mga dalawa o tatlong taon ang nakararaan, nang mapanood ang performance nila ng '"Mic Drop" sa isang American show.
"Sabi ko 'Napakagagaling naman nitong mga ito. The way silang mag-perform at saka makikita mo 'yung passion sa kanila na mahal nila 'yung ginagawa nila. Hindi lang sila nando'n para kumanta't sumayaw, kundi mahal na mahal nila 'yung ginagawa nila. And sobrang love nila 'yung fans nila," sabi niya.
Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Ruru ang acoustic cover niya ng BTS hit song na "Dynamite."
Dati namang naikumpara si Ruru kay V o Taehyung ng BTS, na napansin ng BTS Army. —LBG, GMA News