Aminado si Sofia Pablo na nalulungkot siya sa pagkawala niya sa top rating GMA Afternoon series na “Prima Donnas” dahil sa pagsunod sa patakaran ng pamahalaan sa pagta-taping dahil sa COVID-19 pandemic
“Nakakaiyak po kasi parang ’di po ako nakapagpaalam sa buong PD [Prima Donnas] family na ’di ko po alam na ’yun ’yung last taping day, na umuwi ako na masaya, excited pa sa next taping day kasi mangyayari mas sobrang intense na,” sabi ni Sofia sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa “24 Oras” nitong Martes.
Kinailangan magpaalam ni Sofia sa serye dahil 14-anyos lang siya, at hindi umabot sa edad na 15 na itinatakda ng Department of Labor and Employment para sa mga puwedeng magtatrabaho on-cam o sa studio sa panahong ito ng community quarantine.
Nagpapasalamat naman ang teen actress sa natatanggap na magagandang mensahe para sa kaniya.
“Ba’t naman sasama loob ko na ngayon lang nangyari tapos may valid reason na government din,” saad ni Sofia.
Dagdag pa niya, “Nalulungkot pero 'di naman tayo puwede na maging malungkot buong 2020, so gamitin na lang natin ’yun para maka-inspire ng tao.”
Plano muna ngayon ni Sofia na matutong mag-pinta, mag-focus sa vlogs, at kumuha ng advance lessons para sa kaniyang pag-aaral. – FRJ, GMA News