Binalikan ng mag-asawang Dianne Medina at Rodjun Cruz ang sobrang saya na kanilang naramdaman nang makita at mahawakan ang kanilang panganay na anak na si Baby Joaquin.
Sa "Unang Hirit," ikinuwento ni Dianne na habang nanganganak siya, hindi pinayagan si Rodjun na manatili sa delivery room dahil sa health protocols na ipinatutupad sa gitna ng COVID-19 pandemic.
"Si Rodjun wasn't allowed to be with me inside the delivery room so I had to deliver and to labor all by myself," sabi ni Dianne.
"Nu'ng time ng internal exam, I was already for CM, hindi ko alam. Sabi ng doktor ko 'Hindi ka na puwedeng umuwi, diretso ka na ng labor room, manganganak ka na today. Tapos sabi ng doktor ko, ang taas ng blood pressure ko I was pre-eclamping, so talagang CS na po," dagdag ni Dianne.
Ngunit nang ipanganak na si Baby Joaquin, napalitan na ang kanilang sakripisyo at pagod ng tuwa.
"Nu'ng nakita ko 'yung anak namin hindi ko akalain na kaya mo palang magmahal sa isang tao na ganu'n. Unconditional love right then and there nu'ng nakita ko siya, mahal ko na siya agad and excited na ako alagaan siya at ibigay lahat ng needs niya," sabi ni Dianne.
"Ako talaga naiyak ako kasi naalala ko, kasi CS eh. Nu'ng nilapit siya sa akin nang skin to skin doon talaga nag-dawn sa akin na this is it, ito na 'yung baby ko," pahayag pa ni Dianne.
"Hindi ma-explain 'yung joy, parang ang daming masayang nangyari sa buhay ko pero isa ito sa feeling na hindi ko ma-explain na sobrang saya po talaga," sabi ni Rodjun.
"Shocked pa 'yung itsura ko na parang 'Wow! Totoo ba ito Lord? Ang guwapo naman ng anak namin, mestisong mestiso!" dagdag ni Rodjun.--FRJ, GMA News