Sa gitna ng babala ng Food and Drug Administration (FDA)tungkol sa pagbili ng Reno liver spread, inihayag ni Klea Pineda ang kaniyang saloobin tungkol sa usapin at ang sentimental na koneksyon ng kaniyang pamilya sa naturang paboritong palaman sa tinapay ng maraming Pinoy.
Sa kaniyang Instagram, ibinahagi ni Klea ang ilan sa mga lumang larawan ng kaniyang pamilya sa pagtitinda nila ng naturang liver spread.
Kuwento ni Klea: "Hindi pa ako isinisilang sa mundong ito, meron ng Reno Liverspread na minamahal ng mga tao. Ang kwento sa akin ng Papa ko dati daw isa ang aming Papang sa naglalako ng Reno sa mga bahay bahay noong nagsisimula pa lang ang Reno."
"Buong buhay ko, ito ang naging buhay ng pamilya namin," ayon pa sa Kapuso actress.
Kaya naman nang mabalitaan ang anunsyo ng FDA sa publiko na huwag bilhin at kainin ang Reno liver spread dahil hindi ito nakarehistro, ikinalungkot ito ni Klea.
"Nakakalungkot ang mga nababasa ko dito sa Social Media. Sana matapos na 'tong 2020 na 'to.. sobra na.. #RenoSince1958," sabi niya.
“The FDA verified… that the above mentioned food products and food supplements are not registered and no corresponding Certificates of Product Registration have been issued,” ayon sa ahensiya.
Gayunman, hinikayat naman ni FDA Center for Food Regulation and Research Director Marilyn Pagayunan na mag-apply ang Reno Foods Inc. ng Certificate of Product Registration (CPR).--FRJ, GMA News