Handa na raw sumabak sa mas "mature" at mga "challenging" roles si Kyline Alcantara ngayong 18 anyos na siya.
Hiling niya naman sa kaniyang debut, matapos na rin ang COVID-19 pandemic para makapagtrabaho na ang lahat.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang ilan sa pictorial ni Kyline para sa kaniyang ika-18 kaarawan, kung saan peg niya ang "swinging into adulthood."
Blooming si Kyline habang napaliligiran ng mga bulaklak sa ilan niyang Instagram posts.
Hindi man nagkaroon ng isang enggrandeng debut party, makulay pa rin ang ika-18 birthday ni Kyline nang sorpresahin siya ng isang simpleng dinner.
Ang alam lang daw ni Kyline, may pupuntahan siyang meeting para sa isang endorsement.
"Of course na-surprise po talaga ako kasi hindi ko in-expect na may pa-surprise ngayong birthday ko. Hindi ko masyadong in-assume na may pa-surprise po ngayong birthday ko. And I'm just really, really happy," sabi ni Kyline.
Ngayong 18 na siya, sinabi ng Kapuso breakout star na may mga pagbabago siyang nakikita lalo sa kaniyang career.
"I will accept more 'mature,' or like challenging roles because people will expect more from me. So that's a challenge for me and I like challenges," ani Kyline.
Masaya namang ibinalita ni Kyline na may mga artista na sa studio ng "All Out Sundays" sa Linggo.
"I'm excited for them but also, naiinggit ako sa kanila, sobrang naiinggit ako sa kanila kasi gusto ko na pong mag-perform ulit sa stage ng 'All Out Sundays' and ang puwede po atang mag-perform du'n ay 21 and above and I'm only 18."
Ang hiling daw ni Kyline sa kaniyang 18th birthday: "Basta gusto ko pong mas dumami 'yung Sunflowers (fans) ko, mas dumami pa sila. Mas magkaroon pa po ng maraming blessings sa career of course, and with my family to be safe. Mas humaba pa po ang buhay nating lahat, mawala na po ang COVID para makapagtrabaho na po." – Jamil Santos/RC, GMA News