Naging challenging kina Glydel Mercado, Allen Dizon at Therese Malvar ang kanilang taping para sa isang episode ng “Wish Ko Lang,” kung saan halos lahat ng kanilang taping ay kinunan sa ilog.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing tungkol sa pamilyang nakatira sa may ilog ang “Wish Ko Lang” episode na pinamagatang “Nalunod.”
“From morning until night nasa tubig talaga kami, lahat ng eksena namin, talagang mostly nasa tubig kami. Konti lang siguro ’yung eksenang tuyo kami, ’yung mga happy moments namin,” kuwento ni Gladys.
Sa naturang istorya, tinangay ng rumaragasang agos ng ilog ang tahanan ng pamilya nang bumuhos ang ulan at tumaas ang tubig.
“’Yung mga tira-tirang mga kahoy, pinagdugtong-dugtong, may mga yero, na alam naman natin na mahirap ang buhay nila,” sabi ni Allen.
Kaya hindi madali na sa ilog nila kinunan ang maraming eksena.
“We had no double. Lumangoy talaga kami pati sa ilog,” kuwento ni Therese.
Masaya naman sina Glydel, Allen at Therese na ang kanilang episode ang magsisilbing panimula ng malalaking panoorin na ihahandog ng “Wish Ko Lang” simula Setyembre.
Para kay Allen, tamang follow-up ang episode matapos niyang manalo bilang Best Actor sa Gawad Tanglaw at Pasado Awards sa pagganap niya sa Roxanne D’Salles story sa “Magpakailanman.”
“’Yung award naman hindi ko naman in-expect lagi ’yun. Ginagawa ko lagi ’yung best ko, pinag-aaralan ko kung paano ’yung character ko na ganu’n. Siguro nagkakataon lang na very challenging ’yung role ko,” ani Allen.
Abala naman si Glydel sa pagtulong sa kaniyang mga anak sa kanilang online classes.
“’Yung panganay ko Grade 11 na. So okay na siya on her own, pero ’yung Grade 3 ko kailangan i-guide. Pero ang hirap, Grade 3 lang siya pero ’yung mga subjects niya, advanced kaysa noong Grade 3 natin, sobrang advanced, mahirap,” sabi ni Glydel. – Jamil Santos/RC, GMA News