Dahil sa COVID-19 pandemic, napilitan ang ilang restaurant at food businesses na lumipat sa food delivery, tulad ng negosyo ng mag-asawang Gladys Reyes at Christopher Roxas. Paano nga ba nila nakayanan ang pagsubok na dulot ng pandemya?
Inihayag ng mag-asawang Gladys at Christopher na dalawa ang food businesses nina na Sommereux Catering, at Estela restaurant.
Ipinakilala nila sa publiko ang Sommereux Catering nitong Pebrero, nang bigla namang kumalat ang COVID-19 sa Pilipinas noong Marso.
"After a month, nag-ECQ na, nag-lockdown na, kaya sabi namin noong una, siyempre ang initial reaction mo 'Naku patay, 'di ba? Kaka-launch mo lang ng business, paano na tayo ngayon?'" kuwento ni Gladys sa GMA Online show na "New Normal."
Pansamantala nilang itinigil ang kanilang operasyon, hanggang sa gawin na nilang food delivery ang kanilang negosyo nitong Hunyo.
Sumunod nito ay inilunsad na rin ni Gladys ang kaniyang acting workshop, na matagal na raw niyang nasa isip.
"Two, three years ago, nag-iisip na po ako na mag-conduct ng acting workshop... Hindi ko natutuloy, sabi ko, gusto kong mag-conduct ng acting workshop, gusto kong mai-share kung ano 'yung natutunan ko in my 36 years in the industry," kuwento ni Gladys.
Para kay Gladys, ang pandemic ang tamang pagkakataon para ilunsad ang kaniyangg acting workshop.
"Sabi ko 'Wait I think ito na 'yung perfect timing kasi nasa bahay ka lang, pero dapat safe kasi hindi puwedeng face to face so nag-online acting workshop ako," kuwento ng batikang aktres.
Tunghayan sa video ang sample ng pagtuturo ni Gladys sa kaniyang online acting tutorial.— Jamil Santos/FRJ, GMA News