Masaya sina Rita Daniela at Ken Chan na natupad na ang kanilang pangarap na magkatambal sa isang pelikula, dahil bibida sila sa “My First and Always.”
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing hindi rin nila ito inakala dahil dumating ang kanilang pagkakataon sa gitna ng pandemya.
“Sobrang blessed po talaga sa panahon ng pandemic. Sino ang mag-aakalang makakagawa kami ng ganitong klaseng proyekto together,” sabi ni Rita.
“Choy! Rita! Natupad na ’yung pangarap natin Haha!” sabi naman ni Ken. “’Pag nasa taping kami ni Rita, lagi kaming nag-uusap, lagi kaming nangangarap na sana magkaroon kami ng pelikula.”
Role ni Ken ang isang seminarista na malapit nang mag-pari, samantalang singer naman sa isang bar si Rita.
Naging masaya ang kanilang shooting, kung saan nakasama rin nila sina Lotlot de Leon, Richard Yap, John Gabriel, at Bryan Benedict.
Pati sa set, dala rin nina Rita at Ken ang term of endearment nila para sa isa’t isa na “Chow” at “Choy.”
“Biglang nakita ko po ’yung baby picture ni Ken Chan, parang kinder pa siya nu’n eh. ’Yung mukha po talaga niya, sorry talaga pero mukha po siyang Chow Chow talaga nu’ng baby siya,” kuwento ni Rita.
“Tawag ko sa kaniya Choy. Kasi cute, nakakagigil ... Kasi tabachoy, parang ang cute cute, ganiyan,” ayon naman kay Ken.
Aminado ang dalawa na mahal nila ang isa’t isa, pero hindi naman daw sila nai-in love sa isa’t isa.
“Alam naman natin kung paano ’yung mag-commit sa isang relasyon. May mga pagkakataon na kapag hindi kayo nagkaayos at kapag naghiwalay kayo, hanggang du’n na lang,” sabi ni Ken.
“It’s just that mas nagma-matter sa ’min ’yung friendship namin, ’yung relationship na ’yun kaya hindi namin pinipilit to go on that journey,” paliwanag ni Rita. – Jamil Santos/RC, GMA News