Napili si Alden Richards na bagong ambassador ng End Tuberculosis campaign ng U.S. Agency for International Development (USAID) sa Pilipinas.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing tinanggap ni Alden ang pagkakapili sa kaniya ng USAID para makatulong sa paghahatid ng impormasyon sa mga kababayan na patungkol sa public health at safety.
Maliban sa nararanasang COVID-19 pandemic, may mga tao rin na humaharap sa sakit na tuberculosis.
"Sa line with COVID-19, 'yung precautionary methods that should be taken to avoid the disease kasi pareho silang respiratory illness, it's contagious," sabi ng Asia's Multimedia Star.
Bukod dito, si Alden din ang celebrity ambassador ng BIDA Solusyon campaign ng Department of Health (DOH).
Pinagtutuunan din daw ni Alden ang pagpapalakas ng kaniyang immune system para sa nalalapit na pagbabalik-taping.
Pinaghahandaan niya rin ang mental at emosyonal na kalusugan bukod sa pisikal.
"Mentally, kagaya ng mindset ko before, hindi ko hahayaang idikta ni pandemic kung paano ako mabubuhay everyday. Hindi ko hahayaan 'yung sarili kong matakot," sabi ni Alden.
Bago sumalang sa taping, sasailalim muna ang mga kasaling artista sa swab testing, at ipatutupad ang estriktong health protocols.
Sinabi pa ni Alden na miss na niyang umarte kaya excited na siya sa pagbabalik-taping.
"This is an effort of GMA to produce new content for the viewers, for the Kapusos natin na nanonood at sumusuporta sa network," anang aktor. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News