Mahusay na aktor, maghusay gumuhit, at ngayon--mahusay ding mag-rap. Iyan si Tom Rodriguez.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel GMA News "24 Oras"nitong Miyerkules, ipinakita ang Waray rap ni Tom na may titulong "Diri La Waray Mahimo."

"It was a way of encouraging my fellow Warays na hindi magpadala sa pandemic," sabi ng aktor.

Isasali raw sana niya ang awiting siya ang nag-compose bilang entry sa rap competition sa kaniyang bayan sa Catbalogan, Samar.

Pero hindi na niya ito nagawa dahil hindi siya nakapasa sa eligibility rules.

"Being a Catbaloganon at heart, but not meeting the current resident criteria, I still wanted to extend my support for their socially distanced Manaragat Festival celebrations," kuwento ni Tom.

 


Para mahasa pa ang kaniyang talento sa pag-rap at paggawa ng kanta, sumali pa si Tom sa online writing at composition workshop ni Gloc-9.

Marami raw siyang natutunan sa naturang workshop.

"Sabi niya basta gusto mo at pangarap mo, 'wag ka susuko. Basta sinisigaw ng damdamin mo, patuloy ka lang," ayon kay Tom.—FRJ, GMA News