Binisita at kinumusta ni Kisses Delavin ang kaniyang mga kababayan sa Cataingan, Masbate matapos silang masalanta ng magnitude 6.6 na lindol nitong Martes.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing lungkot ang naramdaman ni Kisses nang puntahan niya ang kaniyang mga kababayan sa isang evacuation facility.
"'Yung mga tao dito natatakot sa aftershocks," ani Kisses.
Hindi naman daw gaanong ramdam ang aftershocks sa kanilang lugar sa Masbate City kaya maayos ang kalagayan ng pamilya ni Kisses.
Nakiusap si Kisses sa kaniyang mga tagasuporta para sa dasal sa kaniyang mga kababayan sa Cataingan, na pinaka-naapektuhan ng lindol.
"Maraming destruction, maraming family na nawalan ng bahay pero I'm grateful for Red Cross volunteers at Masbatenyo at Masbatenya na nagtutulungan sa bawat isa," ani Kisses.
"Sa lahat ng taga-Masbate na naapektuhan ng lindol, sana hindi mawalan ng lakas ng loob at labanan ang sitwasyon. Maging positive lagi, at mag-ingat lagi sa mga aftershocks," mensahe ng Kapuso actress sa mga kababayan.
Bukod sa lindol, kinakaharap din ng Cataingan ang laban sa COVID-19.
Hanga si Kisses sa kaniyang mga kababayan na bumabangon ngayong panahon ng krisis.
"Pumunta ako ng Cataingan dito, nadaanan ko 'yung isang jeep and 'yung jeep na 'yun mga 10 'yung laman pero lahat sila as in perfectly naka-social distance and lahat sila may mask and may face shield. Kine-credit ko rin 'yun sa mga tao dito sa Masbate na may takot talaga sila sa COVID, they want to protect their family kaya nagpa-follow sila ng rules," ani Kisses.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News