Bagaman nabawasan ang trabaho at kita dahil sa COVID-19 pandemic, nagpapasalamat si Ken Chan dahil naitatawid daw niya ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. At ang isa sa nakatulong umano sa kaniya sa ganitong sitwasyon, ang kaniyang ipon.
Sa artikulo ni Gorgy Rula sa PEP.ph, sinabi ni Ken na malaking bagay nga raw na may sapat siyang naipon kaya hindi siya gaanong nahirapan kahit hindi ganun kadami ang mga trabahong pumapasok ngayon.
"Awa po ng Diyos, bago po dumating yung pandemic, may mga proyekto po akong nagawa…At ako po kasi, matipid po kasi ako talaga na tao, e. Hindi po ako mahilig sa mga bili-bili, sa mga gadgets. Hindi ko po hilig ‘yan," saad niya.
Napagtanto raw ni Ken ang kahalagahan ng pag-iipon, at nagpapasalamat siya sa kaniyang namayapang mentor at tatay-tatayan sa showbiz na si German "Kuya Germs" Moreno dahil tinuruan siya nito na magtabi ng kita.
“Ito po yung natutunan ko kay Kuya Germs, kay Tatay," patuloy niya. “Lagi niyang sinasabi sa akin na, ‘Mag-ipon ka. Kung kikita ka ng sampung piso, kailangan mong gastusin lang yung dalawang piso. Yung walong piso, itago mo.’
“At ginawa ko po yun at nakatulong po sa akin yun,” ayon pa kay Ken at sinabing malaking aral sa lahat ang pandemya tungkol sa pag-iipon.--For more showbiz news, visit PEP.ph