Matinding lungkot na nararamdaman ng dating aktres na si Klaudia Koronel na nakabase na ngayon sa Amerika dahil sa pagpanaw ng kaniyang ina noong Sabado ng madaling-araw, August 15.
Sa artikulo ni Rommel Gonzales sa PEP.ph nitong Lunes, sinabing nagtatrabaho bilang certified nursing assistant sa Los Angeles, California si Klaudia, Milfe Dacula sa tunay na buhay.
Nakatira naman ang kaniyang ina na si Teresita Dacula, 63, sa Culiat, Quezon City.
Ibinahagi ni Klaudia sa PEP.ph ang malungkot na balita sa pamamagitan ng Facebook Messenger video call.
Ayon sa aktres, hindi na raw gumising ang kaniyang ina nang ginigising ito ng kaniyang pamangkin sa kanilang bahay sa Culiat dakong 6:00 am.
Pero hinila umano ng paramedic, maaaring 5:00 am pa nalagutan ng hininga ang kaniyang ina dahil malamig na raw ito.
Ayon pa kay Klaudia, kidney at heart failure ang ikinamatay ng kaniyang ina.
“Bumigay na ang puso njya, complication, dahil minsan nagkakatubig puso. Mahina ang puso niya, hirap na.
“Tapos nagka-infection na ang tube na ginagamit sa dialysis na nakakabit sa leeg niya, kaya dapat ilipat na sa braso niya para fistula.”
Ang fistula, ayon sa MedlinePlus Medical Dictionary, ay “abnormal connection between two body parts, such as an organ or blood vessel and another structure. Fistulas are usually the result of an injury or surgery.”
Kasalukuyang inaayos ang mga papeles ng kanyang ina para maiburol ito. Nakahanda na rin daw ang paglalagakan ng mga labi ng ina, ayon pa rin kay Klaudia.
Sabi pa ng dating aktres, may nakuha siyang paglilibingan sa Antipolo na binili niya fifteen years ago pa. Doon na rin daw ihihimlay ang abo ng kaniyang ama na nasa kanilang bahay lang mula nang iuwi niya noong 2014 mula sa Iloilo
“Ipagsama na sila ng papa ko. Kasi ang abo ng papa ko, nasa bahay lang," sabi ni Klaudia.
Malungkot man silang magkakapatid, ang iniisip na lang nila magkakapiling na sa wakas ang kanilang mga magulang.
“Naghiwalay kasi sila. Sa huli, magkasama sila sa magandang lugar.”
Gayunman, gustuhin man ni Klaudia na umuwi sa Pilipinas para sa burol at libing ng kanilang ina, hindi raw niya magawa dahil sa kasalukuyang pandemiya sa buong mundo.
“Hindi rin ako aabot. Mahirap mag-book ng flight, maraming proseso bago ako makauwi.
“Tapos pagdating ko diyan, iku-quarantine ako for 14 days. Ayoko namang paghintayin nang matagal ang mama ko.
“Kaya masakit na masakit man sa loob ko, kailangan kong tanggapin, na hindi ko siya makikita bago man lang siya ilibing,” malungkot na pahayag pa ni Klaudia.-- For more showbiz news, visit PEP.ph