Nagba-budget ngayon ang mga celebrity dad na sina Neil Ryan Sese, Roi Vinzon, at Gabby Eigenmann matapos panamantalang matigil ang trabaho dahil sa COVID-19.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, inilahad ni Neil na naka-budget ang pera ng kaniyang pamilya kahit pa doing good ang kaniyang online business.
"Kung hindi niyo naman kailangan, 'wag na kayong mag-add to cart nang add to cart. Hangga't kaya nating makaipon, mag-ipon muna tayo nang mag-ipon. 'Yung kailangan lang natin bilhin natin," ani Neil.
Nagpapasalamat naman si Roy na malusog pa rin siya at ang kaniyang pamilya.
Prayoridad daw nila ngayon ang ehersisyo at pagkakaroon ng malakas na resistensiya dahil hindi biro ang gastos sa pagpapaospital.
Inilaan na raw ni Roy ang pera para sa pag-aaral sa mga bata.
"Bawal ang luho, 'yung basic needs lang, 'yung necessity lang talaga, kailangan. 'Yung para sa kanila lalo na ngayon, mag-aaral na naman sila, apat silang mag-aaral," ayon sa veteran actor.
Natigil din muna ang pagpapagawa ng dream house ni Gabby.
Itinuturo ni Gabby sa mga anak na "save for the rainy days."
"Every time there's a project, like a soap, 'pag natatapos ang isang soap, 50 percent nakatabi rin tapos 50 percent is for spending. Spending meaning andun na lahat nu'ng monthly bills mo, monthly needs mo," sabi ni Gabby. – Jamil Santos/RC, GMA News