Inihayag ni Marian Rivera ang kaniyang pag-aalala para sa asawang si Dingdong Dantes sa muling pagsabak nito sa trabaho, kaya ipinaghahanda na niya ito sa "closed group" o 12 araw na walang uwian mula sa taping para sa "Descendants of the Sun."
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras," sinabing bahagi ng safety protocols ang closed group taping sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Hindi muna uuwi ang mga artista hangga't hindi natatapos ang mga eksena.
"Actually mga 12 days yata siyang hindi makakauwi ng bahay. Sabi ko nga, 'Ganu'n talaga trabaho 'yan, ang mahalaga maging safe ka du'n tsaka 'yung mga kasama mo sa trabaho,'" sabi ni Marian.
"Pinapaalalahanan ko na mag-ingat siya, ano ba ang kailangan niyang ibaon? Meron siyang maliit na freezer para sa 12 days niya. Sabi ko nga eh, wala eh ganu'n talaga so konting tiis lang. Basta ang mahalaga makauwi siya nang ligtas sa amin, makauwi siya na safe siya," dagdag ng Kapuso Primetime Queen.
Samantala, inilahad din ni Marian na "the struggle is real" ngayong nasa online schooling ang anak niyang si Zia.
"Ngayon kasi nag-school na si Zia, nagzu-Zoom class siya. Medyo tinutulungan ko siya at kailangan magamay niya kasi siyempre bago sa kaniya kaya medyo nahihirapan siya na parang bakit nawala siya sa school? Bakit ganito? So ine-explain ko sa kaniya na for the meantime lang."
"Actually kakatapos niya lang niya ngayon sa Zoom class niya. So nag-e-enjoy naman siya. 'Yun naman ang importante, ma-enjoy niya ulit 'yung school na 'yan," ani Marian.
Nagdiwang ng kaarawan si Marian nitong Agosto 12 kung saan naging simple lang ang kaniyang birthday celebration kasama ang pamilya.
"Wish ko para sa lahat na maging healthy, safe 'yung lahat. At siyempre i-continue natin ang pagdadasal para sa isa't isa para matapos na itong kalbaryo natin na ito," hiling ni Marian sa kaniyang birthday. – Jamil Santos/RC, GMA News