Hinikayat ni EA Guzman ang mga nagsisimula ng kanilang mga negosyo na huwag agad magpadalos-dalos bago maglabas ng pera, at mag-ingat sa scammers lalo ngayong panahon ng quarantine.

“Huwag magpadalos-dalos. ’Pag naisip na ‘Ganito ’yung itatayo ko, ganito dapat,’ no. ‘Ganito ’yung perang ilalabas ko,’ no. Maging wise sa pagdedesisyon,” sabi ni EA.

“Kung ano talaga ang ilalabas mong business, huwag padalos dalos. When it comes to money, when it comes to quality ng ilalabas mo or ng food na ilalabas mo or nu’ng kahit ano pa mang business venture na ilalabas mo,” dagdag ng aktor.

Mahalaga rin daw ang cleanliness at safety sa negosyo, lalo ngayong may COVID-19 pandemic.

“Lahat ng mga tao gusto nila safe, malinis ’yung ibibigay mo sa kanila. Lagi tayong may safety protocols, ipakita natin sa kanila na kung ano man ’yung business mo, mapa-pagkain man ’yan, malinis ’yung binibigay natin sa kanila,” sabi ni EA.

Para kay EA, mas prefer niya na mayroong nagde-deliver para sa kanilang business para masiguro na malinis ang pinaglalagyan ng mga pagkain.

 

 

Mag-ingat din daw sa mga manloloko, payo ni EA.

“Kasi maraming, alam mo naman hindi ko naman sinasabing maraming scammers or something. Nag-iingat lang tayo. Marami ang mga manloloko ngayon, maraming tao na nagpaplanong ’yun ang gawing trabaho nila habang pandemic kasi nga hindi sila makapasok,” sabi ng aktor.

Ngayong pandemic, sinimulan ni EA ang food business na luto ng kaniyang ina. – Jamil Santos/RC, GMA News