Para mabigyan pa rin ng trabaho ang kaniyang mga empleyado, ginawang online grocery mart ni Kris Bernal ang kaniyang restaurant na nagsara dulot ng COVID-19 pandemic. Si David Licauco naman, nagsimula na rin ng online store para makatulong din sa iba.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing inanunsiyo ni Kris ang pagsasara ng kaniyang Korean restaurant nitong Hulyo.
Gayunman, iniisip pa rin daw ni Kris ang kapakanan ng kaniyang mga empleyado.
"Kasi ayoko ko silang pakawalan, hindi ko kaya na wala silang trabaho. 'Yun ang pinaka-concern ko, gusto ko lahat sila may trabaho," ani Kris.
Kaya ang dating House of Gogi ni Kris, ginawa niyang Gogi Mart.
Nagbebenta rin ng essential goods ang Kapuso actress maliban sa frozen meat.
Nagpupursigi din si Kris sa kaniyang negosyo para may pagkaabahalan dahil nami-miss na niya ang pagtatrabaho sa showbiz.
"May mga araw na anxious talaga ako, nalulungkot ako kasi nami-miss ko na talagang magtrabaho, nami-miss ko na talaga umarte, 'yung ganoon," sabi ni Kris na nami-miss na rin ang mga taong nakakasama niya sa taping.
Nakita rin ni David Licauco ang online bilang bagong platform para sa bago niyang business.
Inilunsad ni David ang isang online store at community na tumutugma sa kaniyang fashion at advocacy na hikayatin ang mga tao sa healthy living.
"This pandemic, maraming businesses na medyo down. I made a website na puwede na lang mabenta 'yung mga products nila doon and at the same time those people na naghahanap ng healthy products maka-connect sila," sabi ni David.
Gusto rin daw tulungan ni David ang gym trainers na nawalan ng trabaho dahil sa paghihigpit laban sa COVID-19.
"'Yung mga freelance trainers puwede ring sumali sa website ko para magkaroon sila ng trabaho," sabi ng Kapuso hunk.--Jamil Santos/FRJ, GMA News