Matapos mapanood si Hyun Bin o si Captain Ri ng "Crash Landing On You" sa isang Pinoy commercial, hindi rin magpapahuli ang kaniyang leading lady na si Son Ye Jin o si "Yoon Seri" ng hit Korean series.
Ayon kay Ye Jin, gusto sana niyang i-shoot mismo sa Pilipinas ang TVC para sa telecommunications firm na Smart, na siya ring nagtampok kay Hyun Bin.
"Actually I wanted to go to the Philippines and shoot. And the fans who loved the drama sent me so many messages of support on social media," saad ni Ye Jin sa isang exclusive video interview ng online press conference ng Smart.
"It's just so sad that I could not come to see all the fans in person but I'm always very thankful and happy to be able to meet them in this way," dagdag ni Ye Jin.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," makikita sa kani-kanilang mga commercial na sakay si Hyun Bin ng sports car, samantalang astigin naman si Hye Jin sa pagpapatakbo ng motorsiklo.
Nag-post din si Hye Jin ng teaser sa kaniyang Instagram account.
Pinasalamatan naman ni Hye Jin ang mga Pinoy fans mula sa suportang kaniyang natanggap.
Sinabi ng company executives na magaan katrabaho si Hye Jin, na opisyal na pumirma ng kontrata nitong Hunyo.
Hulyo 16 nang agad na siyang mag-shoot at siya mismo ang nag-voice over ng buong script.
Tiyak namang kaaabangan kung magka-"crash landing" soon sina Captain Ri at Seri sa Pilipinas.
Sa "Crash Landing On You," na-in love ang North Korean soldier na si Captain Ri Jeong Hyeok sa South Korean heiress na si Yoon Seri.
Ipinalabas ito mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero 2020 sa Netflix. -Jamil Santos/MDM, GMA News