Ngumingiti na ulit at unti-unti nang bumabalik ang pang-amoy ni Michael V, na bumubuti na ang lagay matapos magkaroon ng COVID-19.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing halos wala nang nararamdamang sintomas ng sakit si Bitoy.
"'Yung pang-amoy ang nakakatawa, kasi may pang-amoy na ako... So hindi pa rin siya 100% pero at least," sabi ng comedy genius.
"Nu'ng isang araw nagluluto ng hamburger 'yung kasambahay namin, naamoy ko from this room. Pero nu'ng isinserve na sa akin, nu'ng binigay na sa akin, hindi ko na maamoy from this distance. So magulo talaga," natatawang kuwento pa ni Bitoy.
Nagpaalala si Bitoy sa mga kababayan na huwag makampante dahil maaaring tamaan ng COVID-19 ang kahit na sinong tao.
Payo niya rin na magpakatatag at huwag malugmok sakali mang magpositibo sa sakit.
"Isa sa mga pangunahing contributor ng COVID is 'yung stress eh. So talagang dapat pagka nakaramdam ka, kapag may symptoms ka, nagpa-test ka at positive ka dapat gumawa ka ng paraan para hindi ka ma-stress during the time na naka-quarantine ka," ani Michael.
Kinukumpleto na lang niya ang kaniyang 14-day quarantine at makababalik na siya sa normal niyang buhay.
Natanong si Bitoy kung handa rin siyang i-donate ang kaniyang dugo.
"'Pag completely naka-complete na ako nu'ng 14 days I think the responsible thing to do is just that, mag-donate para makatulong sa ibang mga kababayan natin at makatulong sa siyensiya. Siguro kahit paano may maiambag 'yung plasma ko, 'yung dugo ko para makahanap ng gamot or lunas dito sa sakit na ito." – Jamil Santos/RC, GMA News