Inihayag ni Sanya Lopez na malaking hamon sa kaniya na mag-taping sa ilalim ng "new normal" kung saan kailangan niyang umarte nang naka-mask habang umuulan pa para sa bagong episode ng "Wish Ko Lang."

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabing gaganap si Sanya bilang isa sa dalawang magkapatid na babae na tinamaan ng kidlat na iniulat kamakailan sa "24 Oras."

"Masakit din for me dahil kitang kita po pala ng buong pamilya 'yung nangyari sa kaniya," sabi ni Sanya.

Nasubok daw ang acting skills ni Sanya lalo pagdating sa mga mabibigat na eksena. Nangyari rin ang insidente sa gitna ng pandemya.

"Kaya mas challenging 'yung role is naka-mask kami and kailangan 'yung eyes lang namin 'yung nag-e-express ng feeling namin," ani Sanya.

May isang partikular pa na eksena na hindi raw naging madali para kaniya.

"Nu'ng nahuhulog na 'yung kapatid ko sa bangin, kasi ang lakas po ng ulan that time. Tapos 'yung kailangan buong iyak kasi paano mo makikitang naiiyak ka du'n sa eksena kung umuulan, so kasabay ng pag-ulan 'yung pag-iyak mo. Halos hindi ka pa makita kasi nako-cover," anang aktres.

Pinuri naman ni Sanya ang mga nakasamang aktor at aktres na sina Allan Paule, Sue Prado at bagong Kapuso na si Ayeesha Cervantes.

"Sobrang mga professional," komento ni Sanya.

Mapapanood ang bagong episode ng Wish Ko Lang sa Sabado ng hapon sa GMA, na mula sa direksyon ni Rommel Pinesa, na isa rin sa mga direktor ng Descendants of the Sun.--Jamil Santos/FRJ, GMA News