Sa muli niyang pagbisita sa Sorsogon, personal na ibinigay ni Heart Evangelista ng wheelchair ang isang lola na stroke patient at hindi na nakakalakad.

Sa kaniyang latest vlog, mapapanood ang pagpunta ni Heart sa bahay ng pasyente matapos na humiling ang apo nito para sa wheelchair ng lola.

"Dahil wala siyang wheelchair, nakahiga lang siya most of the time so it would be nice na bigyan siya ng wheelchair so she can go under the sun and it will be easier for her apos to take care of her so we're on our way to visit," kuwento ni Heart.

Pinasalamatan din ni Heart ang isang kaibigan na nag-donate ng mga wheelchair para maihatid niya sa mga nangangailangan.

Ibinahagi rin ito ni Heart sa kaniyang Instagram.

 

 

Patuloy ang ginagawang pagtulong ni Heart sa lalawigan ng Sorsogon bilang First Lady ni Governor Chiz Escudero, kabilang ang pagbisita sa mga ospital para mamigay ng mga bote ng Vitamin C.

Namigay din si Heart ng mga tablet para sa mga nangangailangang estudyante para sa online schooling.--Jamil Santos/FRJ, GMA News