Hanggang sa huling pag-iri, inakala raw ni Iya Villania na boy pa rin ang magiging bagong miyembro ng kanilang pamilya.

Nitong Sabado, nagsilang na ang Chika Minute anchor na si Iya, at baby girl ang kanilang bunso ni Drew Arellano na pinangalanan nilang Alana Lauren.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing mainit na sinalubong nina Kuya Primo at Leon ang bagong baby.

Si Primo, nakipaglaro raw agad sa kanilang bunso, habang si Leon, ipinakita ang kaniyang laruan.

“Si Primo parang mas aware siya tapos siya excited. Sobra siyang excited na makita ang kapatid niya even if ang gusto niya sana talaga ay baby brother,” ayon kay Iya.

Dagdag pa ni Iya, noong una ay natatakot daw lumapit si Leon pero kinalaunan ay nakikipaglaro na rin ito sa bago nilang baby.

“Naawa ako kay Leon kasi parang ‘yong tingin niya parang ano ‘yan? At tsaka sino ‘yan? Medyo natakot siyang lumapit tapos medyo umiyak siya nang kaunti. Tapos sobrang alanganin si Leon pero unti-unti na siyang lumalapit,” pagbahagi pa ni Iya.

Hanggang ngayon, hindi pa rin daw makapaniwala si Iya na babae ang kanilang bagong baby.

“Akala ko talaga lalaki kaya noong huling iri ko, siyempre give all ako sa huling push ko, pinush ko talaga tapos nakita ko na ‘oh my gosh it’s a girl,’" saad niya.

"Mali ako the whole time so mixed emotions ako,” sabi pa ni Iya, na mga gamit na panglalaki ang mga inihanda sa panganganak.

BASAHIN: Boy or girl? Iya Villania and Drew Arellano keep baby's gender a surprise until birth
 

Hindi gaya ng ibang celebrity nagkakaroon ng gender reveal sa kanilang magiging baby, pinili nila Iya at Drew na huwag alamin ang kasarian ng kanilang magiging bunso.

Basta ang hiling nila, maging malusog ang bata at normal at ligtas na mailuwal ni Iya.

Samantala, tuwang-tuwa naman ang mga kaibigan at fans nang ipakita ng mag-asawa ang cuteness ni Alana sa pamamagitan ng Instagram post.

Marami rin sa mga kaibigan nina Iya ang nagsabing parang hindi siya nanganak dahil tila fresh pa rin ang kaniyang hitsura pagkatapos.

“It’s really different for every woman. In my case siguro malaking tulong din na nagwo-workout ako, na mabilis ‘yong recovery ko. So I really think it’s probably the major reason kung bakit mukhang madali para sa akin but actually hindi siya madali para sa akin,” ani Iya.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News