Iginiit ng dating aktres at model na si Jinri Park na walang masama sa pagiging waitress.
Inihayag ito ni Jinri sa kaniyang Instagram post matapos na may magsabing karma ang pagiging waitress niya ngayon sa Australia.
Ayon kay Jinri, ibinahagi niya ang kaniyang buhay ngayon sa Sydney kasama ang mister na si John, at ipinaalam ang kaniyang bagong trabaho para makapagbigay ng inspirasyon para makapagsimulang muli lalo na ngayong may pandemic.
"But of course with all stories whether bad or good, they are always haters," saad niya.
Paglilinaw ni Jinri, pinasok niya ang trabahong waitress dahil gusto niya at hindi lang basta kailangan niya.
Pinag-iipunan umano ni Jinri ang kursong kukunin niya para naman sa trabahong pangarap niya sa hinaharap.
Katunayan, inalok umano siya ng kaniyang mga magulang na sasagutin ang kaniyang tuition at kung tutuusin ay madali rin siyang makakakuha ng student loan.
Kaya mensahe niya sa mga nagsasabing "karma" ang pagiging waitress niya: "To all those people who are saying it’s karma that I’m a waitress now, I’m pretty sure there’s nothing wrong with having that job."
Sabi pa niya, "If you think that I’m currently miserable with karma acting upon me, I’d just like to say I’m so happy now more than when I was in showbiz."
"I have a fun job, a great loving husband and a goal for my future! What more can a girl want," dagdag niya.
Kasabay nito, nagpasalamat din si Jinri sa mga nagpadala sa kaniya ng mga positibong mensahe.—FRJ, GMA News