Ilang araw matapos na isugod sa ospital, pumanaw na ang komedyante at frontliner na si Kim Idol. Siya ay 41-taong-gulang lang.
Ang malungkot na balita ay ibinahagi ng ina ni Kim na si Maria Taniegra Argente, sa kaniyang Facebook post nitong Lunes.
“Anak alam ko lumaban ka para hindi mo kami iwan. Pinaalis mo lang kami ng Ate mo dahil hindi namin kaya na mawala ka. Maraming nagmamahal sayo anak. We love (you),” saad ni mommy Maria.
Dinala sa ospital nitong nakaraang linggo ang stand-up comedian matapos mawalan ng malay dahil sa kaniyang kondisyon na Arteriovenous Malformation (AVM), na problema sa ugat sa utak na nakakaapekto sa daloy ng dugo at oxygen.
READ: Ina at mga kaibigang komedyante, humingi ng dasal para kay Kim Idol
Nang mangyari ang COVID-19 pandemic, naging volunteer frontliner si Kim sa isang quarantine facility.
Sa isa pang post, inihayag ni mommy Maria ang kaniyang paghanga sa anak.
“Magandang alaala ang iniwan mo anak lalo na sa mga Covid victim na pinasaya mo inawitan mo,” pahayag niya.
“Sabi mo bumilis ang kanilang paggaling kasi nawawala ang kanilang lungkot hindi mo lang alam ang takot ni mama pero dahil gusto mo nga mag work bilang Frontliner pumayag na si mama. Sobrang saya mo ng ibalita mo sakin na kahit nakasalamuha mo sila negative result mo. Sobrang Proud ako sayo anak maraming sumasaludo sayo, para sa akin anak isa kang bayani,” patuloy niya.
Nag-post din sa Instagram ng pagpupugay si Allan K sa kaniyang kaibigan na minsan ding naging bahagi ng "Eat Bulaga."
“You were one of the best talents Klownz and Zirkoh have ever had. One of the funniest on and off stage. You will always be remembered by people whose lives you touched through comedy," sabi ni Allan K.
"Rest in peace Kim Idol... we will miss you," patuloy niya Allan K. — FRJ, GMA News