Sa Baguio City na natuloy ang production team nina Piolo Pascual at direktor na si Joyce Bernal para sa shooting na gagamitin sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, matapos silang tanggihan sa Sagada at Banaue.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras," sinabing bawal makihalubilo sa mga lokal ang team ng aktor at ng direktor habang kumukuha sila ng footage, alinsunod na rin sa protocols ng IATF.
Dumaan muna ang kanilang team sa triage procedure sa siyudad.
Matatandaang hindi sila pinayagan ng Sagada local government unit (LGU) nitong Lunes bilang pag-iingat ng lugar sa COVID-19.
Hindi rin pinayagan sina Piolo at direk Joyce sa Banaue sa kabila ng pagkakaroon nila ng papeles mula sa Palasyo na pinapayagan silang kumuha ng footage para sa SONA.
Sinabi ng Baguio City Police na wala namang nilabag na IATF protocol ang grupo nina Bernal.
Ayon pa sa BCPO, para sa SONA ang pagpunta nina Piolo at direk Joyce at hindi para sa leisure.
"This is official business, they are not classified as tourists," sabi ni BCPO Director Police Colonel Allen Rae Co.
"Again, wala naman pong nagbabago, leisure, travel is still not allowed," ayon pa kay Co.
Inaasahang mananatili ang team nina Piolo at direk Joyce sa Baguio City hanggang sa katapusan ng linggo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News