"Inaresto" ng local enforcers ng Quezon City ang Kapuso journalist na si Howie Severino nang matiyempuhan siyang nakababa ang face mask matapos na uminom sa labas ng isang tindahan.
Sa kaniyang Facebook post, ikinuwento ni Howie, isang COVID-19 survivor, na nagbibisikleta siya kasama ang mga photographer na sina Jilson Tiu at Chris Linag nang tumigil sila sa isang bike shop sa Mother Ignacia Avenue.
Nandoon naman ang photojournalist Luis Liwanag na bumili ng maiinom nila sa kalapit na tindahan.
"We were all wearing masks. We bought drinks at the store next door, and drank them after pulling down our masks below the mouth (because we have not learned to drink yet with masks on)," kuwento ni Howie.
Paglilinaw ni Howie, lahat sila ay naka-face mask, ipinatutupad nila ang physical distance, at nasa labas sila ng tindahan na mas maliit ang tiyansa ng hawahan kaysa nasa loob.
Isasauli na raw niya ang bote sa tindahan pero bago pa niya maibalik sa puwesto ang face mask na bahagya niyang ibinaba, dumating na ang mga enforcer ng lungsod at sinita siya.
"Before I could pull my mask back up, when at least three vehicles of QC law enforcers arrived to tell me I was talking without my mask covering my mouth and had to be brought to Amoranto Stadium for a seminar," saad ng broadcast journalist.
Ayon kay Liwanag, ang seminar ay tungkol sa tamang paggamit ng face mask. Tinataya niya na nasa 100 katao ang nandoon, kabilang ang mga babae at nakatatanda.
Sabi ni Howie: "I am assuming their intent in taking people to a mass gathering in a stadium is to control the spread of the infection and save lives."
Ipinaliwanag din ni Howie sa ilang kawani ng lungsod na nasa Amoranto na COVID-19 survivor siya at ilang beses nang nagnegatibo sa virus, at nagpositibo naman sa antibodies.
Katunayan, nag-donate na rin ng plasma si Howie na magagamit na panggamot sa mga pasyente ng COVID-19 na malubha ang kalagayan.
Sa kabila ng nangyari, nauunawaan daw ni Howie ang naging pagkilos ng QC enforcers para mapigil ang pagkalat ng virus sa lungsod na mataas ang bilang ng hawahan.
Inialok pa raw ni Howie ang sarili na magbigay ng mensahe sa mga tao sa Amoranto pero sa halip ay pinauwi na lang siya.
Paglilinaw naman ni Howie matapos siyang gumaling sa COVID-19 at makagawa ng dokyumentaryo tungkol sa kaniyang naging karanasan: "The QC LGU did not interview me about my contacts or do any tracing, and did not test anyone in my family or any of my close contacts. I did contact tracing on my own." — FRJ, GMA News