Marami ang nagsasabi na "traydor" ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) at tila nangyari ito sa ina ng Kapuso actress na si Chanda Romero na biglang pumanaw dahil sa naturang virus.
Sa ulat ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing Hunyo 9 nang isailalim sa COVID-19 ang ina ng aktres na si Remedios Romero.
Ilang araw lang ang lumipas, lumabas na ang resulta na positibo siya sa virus.
Ayon sa aktres, nagkaroon ng pneumonia ang kaniyang ina pero bumuti raw ang pakiramdam nito nang madala sa ospital.
"She was out of the woods na, ok na 'yun papauwiin na siya e. In fact I was arranging for people to disinfect the house," kuwento ng aktres.
Pero laging gulat ng aktres nang makatanggap siya ng tawag sa duktor na nagsabing binawian na ng buhay ang kaniyang ina.
"They tried to resuscitate her, injected her with epi, and she flatlined," saad ni Chanda.
Labis ang kalungkutan ng aktres dahil hindi niya makikita sa huling sandali ang kaniyang ina na nasa Cebu, habang siya ay nasa Maynila.
"I know that you know how much we all love you. I know you took that with you when you crossed over," pahayag niya. "And I know you're there looking down at us. We will see you again. We love you, mom." —FRJ, GMA News