Ilang araw matapos opisyal na makapasa bilang volunteer firefighter, kaagad na napasabak ang Kapuso actor na si Wendell Ramos sa pagresponde sa sunog sa Valenzuela City nitong Huwebes.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing isang nasusunog na pabrika ang nirespondehan ng grupo ni Wendell.

Tumagal umano ng pitong oras ang sunog at umabot sa P15 milyon ang pinsala.
Nalulungkot si Wendell sa mga taong napinsala ng sunog.

Sa kaniyang Instagram post, ibinahagi ng aktor ang ilang larawan sa unang araw ng pagtupad niya sa kaniyang tungkulin.

Aminado naman si Wendell na hindi maiiwasan na kabahan siya sa kaniyang unang pagresponde sa sunog pero nawala umano ito dahil sa kaniyang mga kasamahan.

"When you're working as a team and alam mo 'yung mga kasamahan mo hindi ka iiwan, at alam n'yong tama 'yung ginagawa n'yo para may mailigtas kayo, may matigil kayong disaster, gagawin nyo po lahat," sabi ni Wendell.

Nitong Lunes lang ibinalita ni Wendel na certified ABP (Ang Bumbero ng Pilipinas) firefighter na siya. —FRJ, GMA News