Nagkuwento ang nag-viral na Katolikong pari na si Father Eduardo "Ponpon" Vasquez tungkol sa kaniyang paggamit ng Personal Protective Equipment (PPE) para bendisyunan at abutan ng tulong ang mga mahihirap sa gitna ng COVID-19 pandemic.
"Simula noong mag-lockdown, April ako nagsimulang lumabas at pumunta sa mga bahay-bahay dahil nga sa marami ang nagugutom at kailangan kong lumabas para magpakain at maglagay kami ng mga gift certificate para sa mga mahihirap at doon ko isinabay 'yung pagdarasal," kuwento ni Father Ponpon sa "Bawal Judgmental" segment ng "Eat Bulaga" nitong Biyernes.
"Sabi ko, pupunta na lang rin ako dito may dalang pagkain, bakit hindi ko na lang bendisyunan... Pati 'yung mga patay at mga maysakit," ayon pa sa pari.
Gusto raw ni Father Ponpon na ilapit ang pagpapala sa mga mahihirap lalo ngayong may krisis.
"'Yung reason kaya naka-PPE, sabi ko, 'yung doktor nakakalapit sa mga COVID patients, so why not use that? So gumamit kami noon. And actually parang kami 'yung naunang mga pari na gumamit ng PPE," sabi niya.
Bago nito, naging kura paroko rin si Father Ponpon sa Maguindanao noong nangyari ang Maguindanao massacre.
Tulad sa pandemya ngayon, marami rin daw ang na-displaced na tao nang mangyari ang trahedya noong 2009.
Naging mahirap din kay Father Ponpon ang sitwasyon dahil nagsilbi siyang mediator sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde.
"Usually kasi nagmimisa ako sa mga kampo ng sundalo, but at the same time 'pag nagkakaroon ng giyera at maraming nasasaktan na tinatamaan, pumupunta rin ako sa lugar ng mga rebelde," kuwento niya.
"Ang sinasabi ko kapag ako'y nagmimisa sa mga sundalo, 'Huwag niyo akong paghihinalaan kapag nakikita niyo ang aking sasakyan dito sa lugar ng mga rebelde sapagkat nagme-mediate lang ako," patuloy ni Father Ponpon.
Pero ayon sa pari, mas matindi ang laban ngayon sa COVID-19 pandemic.
"Mas matindi itong giyera na ito," sabi niya.
Nag-viral kamakailan si Father Ponpon dahil sa paggamit niya ng hazmat suit para magbahay-bahay sa Caloocan at hatiran ang mga mahihirap ng literal at espiritwal na tulong.--FRJ, GMA News