1970's nang magsimulang sumikat ang bandang VST & Company na nasa likod ng iconic song na “Awitin Mo at Isasayaw Ko.” At ang isa sa mga miyembro ng banda na si Spanky Rigor, mas pinili ang simpleng pamumuhay sa Amerika bilang tagabuhat ng mga bagahe.
Ilan sa mga kasama ni Spanky sa banda ang magkakapatid na Vic, Val at si Senate President Tito Sotto, at maging si Joey de Leon, na gumagawa ng mga kanta.
Sinasabing ang pangalang VST at hango sa unang letra ng mga pangalan nina Vic, Spanky at Tito. Pero sa isang panayam noon, binanggit ni Tito na mula sa tunay niyang pangalan na "Vicente Sotto the Third" ang talagang kahulugan nito dahil siya ang nakaisip na buuin ang grupo, na panlaban noon sa grupong "Boyfriends."
Ngunit hindi malinaw kung nagbibiro lang ang senador o seryoso.
Gayunman, sa kabila ng kasikatan ng grupo, kung saan nagkaroon pa sila ilang pelikula, pinili ni Spanky na iwan ang music at showbiz industry para manirahan sa Amerika kasama ang kanilang ina, asawa, at mga anak.
At mula sa pagiging sikat na mang-aawit, naging baggage handler si Spanky sa Amerika at pinili ang simpleng buhay. Ano nga ba ang nagkumbinsi sa kaniya?
Panoorin ang dokyumentaryo na ginawa ng kaniyang pamangkin na investigative journalist na si Albert Samaha para sa Buzzfeed News, at lumabas sa Pop-Up Magazine, tungkol sa naging buhay at pakikipagsapalaran sa Amerika ng kaniyang Uncle Spanky. Panoorin.
--FRJ, GMA News