Tila nawalan daw ng kambal na anak ang pakiramdam ni Allan K nang madesisyson siyang isara na nang tuluyan ang kaniyang mga comedy bar na Klownz at Zirkoh dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing 18 taon na naghatid ng saya ang Klownz samantalang 16 naman ang Zirkoh, na parehong pagmamay-ari ni Allan.
Marso nitong taon nang matigil ang operasyon ng live comedy show sa dalawang bar matapos ipatupad ang lockdown sa Metro Manila dahil sa COVID-19.
"Hindi natin alam kung hanggang kailan eh, 'di ba? Kaysa naman lumaki nang lumaki 'yung babayaran namin sa rental and iba pang expenses, better yet i-close na lang talaga," paliwanag ni Allan.
"Para kang nawalan talaga... namatayan ng anak, kambal na anak pa, Klownz at Zirkoh, dalawang anak," dagdag niya.
Labis daw ang kaniyang kalungkutan dahil naging bahagi na ng kaniyang buhay ang dalawang establisimyento sa nakalipas na 18 taon na gabi-gabi niyang pinupuntahan at pinagpupuyatan.
"Totoo pala talaga 'yung dalawang mukha ng showbiz, ng entertainment, 'yung isang masaya, isang malungkot. Pero this time, ito 'yung pinakamahabang malungkot na mukha," sabi pa ni Allan.
Mahigit 100 empleyado ni Allan ang mawawalan ng trabaho, at mahigit 30 nito ay mga komedyante at entertainer na nagbibigay-buhay sa entablado ng Zirkoh at Clownz.
Mabibigyan naman daw ang mga empleyado ng kanilang unpaid salary, 13th month pay at cash assistance pero wala na raw sapat na pondo para sa separation pay.
Nalulungkot man, nauunawaan naman ng mga entertainer ng Klownz at Zirkoh ang sitwasyon.
"'Yung Klownz din at Zirkoh ang nagbigay sa amin ng pagkakataon na makapag-tour sa iba't ibang mga bansa, mga lugar na hindi namin inakalang mapupuntahan namin," sabi ni Boobay.
"Pamilya na din talaga 'yung turingan talaga namin," ayon pa kay Boobay.
"Diyan ako nagsimula. I'm a different person eh if I'm on stage, kasi iba ang live comedy, ang reaction is instantaneous" sabi ni Philip Lazaro.
Gayunman, hindi naman nawawala ang pag-asa ng mga comedian na magbabalik din ang mga comedy bar na kinagiliwan ng mga Pinoy.
"Pagka natapos na siguro 'yung pandemic na ito, puwede naman sigurong magbukas ulit ng bagong comedy bar. Ito talaga ang negosyong gusto ko eh, ito talaga 'yung negosyong alam na alam kong patakbuhin kahit nakapikit ako," sabi ni Allan.
"Wala pong imposible kay Papa Jesus eh kaya naniniwala pa rin po ako na magiging maayos ang lahat," sabi ni Boobsie.
"'Wag kayong mag-alala dahil hindi kami titigil na magpasaya sa inyo. See you again soon,"
"Nag-iipon na kami ng bagong jokes. Imposibleng walang laughter sa katawan ng tao. Don't worry 'pag nagkita-kita tayong muli, we will not just bring laughter to your faces but also smiles into your hearts," sabi ni Philip.--Jamil Santos/FRJ, GMA News