Unti-unti nang nasasanay si Rich Asuncion sa kaniyang bagong buhay sa Australia kung saan nagtatrabaho siya bilang isang waitress at nag-aaral pa ng early childhood education and care. Iiwan na nga kaya niya ang Philippine showbiz?
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nakalipad si Rich patungong Australia nitong Marso bago pa ipatupad ang Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila dahil sa COVID-19 pandemic.
Pumunta si Rich sa Autralia kasama ang anak na si Bella Brie para makasama ang kanilang padre de pamilya na si Fil-Australian Ben Mudie. Hanggang sa inabutan na sila doon ng lockdown.
Naging mahirap daw ang adjustment ni Rich dahil hindi siya sanay na mamuhay sa ibang bansa. Para may magawa at makatulong sa kaniyang asawa habang nasa Autralia, naghanap si Rich ng trabaho.
"Na-try kong maging sales representative. I was selling solar panels pero hindi ako nagtagal kasi medyo we go door-to-door knocking and hindi ko pa alam 'yung pasikot-sikot dito... I got in the restaurant, casual job as a waitress. So 'yun 'yung ginagawa ko ngayon," kuwento ni Rich.
Ayon sa Kapuso actress, malayo ang buhay niya sa Australia kumpara sa Pilipinas kung saan isa siyang artista.
Pero hindi na raw siya "nagpaka-choosy" pa.
"Noong una like 'yung first time ko siyang ginawa, parang eksena sa taping 'yung pagsuot ko ng apron na parang...naiiyak ako pero nasanay na ako. Wala na ako sa stage na ganoon," sabi ni Rich.
Nakatanggap na rin si Rich ng job offer para magturo sa isang daycare center, at nag-aaral din siya ng early childhood education and care, na isang diploma course online para maging qualified sa kaniyang trabaho.
Bumili na rin daw sila ng sariling bahay ni Ben sa Australia.
Sinabi ni Rich na ine-enjoy niya muna ang buhay niya roon kasama ang pamilya. Pero babalik naman daw siya sa Pilipinas dahil hindi naman niya kaya pang iwan ang buhay sa showbiz.
"Gusto ko lang iparating sa mga tao na kahit nahihirapan tayo sa panahon ngayon, kailangan come out stronger, maghanap tayo ng makakapagdagdag sa kaalaman natin," ayon kay Rich.--Jamil Santos/FRJ, GMA News